Kauna-unahang hot air balloon festival sa Legazpi City, matagumpay na naidaos

Litaw na litaw ang ganda at perpektong hugis ng Bulkang Mayon noong weekend habang sumahimpapawid ang 17 na hot air balloons sa Legazpi City para sa unang takbo ng Bicol Loco Festival.

Umabot sa 85,000 katao ang dumalo sa kauna-unahang Bicol Loco Hot Air Balloon and Music Festival sa Legazpi City nitong nakaraang weekend.

Tampok sa festival ang 17 na makukulay na hot air balloons na nagbigay ng panibagong sigla sa lalawigan ng Albay, na kilala sa magandang tanawin mula sa Bulkang Mayon.

Nagpasalamat si Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co sa mainit na pagtanggap ng mga Bikolano sa festival. Sinabi rin ng opisyal, na isa sa mga pangunahing organizer ng event, na tila mas lumitaw pa ang ganda ng Bulkang Mayon dahil sa makukulay na hot air balloons.

“It was a breathtaking sight to see colorful balloons dotting the horizon, each one dancing in the sky as if celebrating the vibrant spirit of Bicol,” sinabi ni Co sa kanyang post sa social media.

“Couldn’t have asked for a more picturesque day filled with music, laughter, and spectacular aerial views. Here’s to more adventures that lift us up!” dagdag pa niya.

Inaliw rin ng iba’t ibang mga performer ang mga dumalo sa festival, kabilang sina rockstar Ely Buendia, at celebrity Jericho Rosales.

Maliban sa hot air balloon exhibition, nagpakitang-gilas rin ang mga skydivers at mga stunt pilots sa isang demonstration na kinagiliwan rin ng mga dumalo sa festival.

Kasama nina Co at Ako Bicol Party List sa pag-organisa ng event ang Department of Tourism at Asian Air Safari, na pinangungunahan rin ang hot air balloon event sa Clark, Pampanga.