Ngayong nakawala na sa kanya-kanyang loveteams sina Nadine Lustre at Kathryn Bernardo at nalilinya na sa mga mas challenging na roles, aprubadong-aprubado ni Star for All Seasons Vilma Santos na ipapamana sa dalawang magagaling na batang artista ang role nila ni superstar Nora Aunor sa pelikulang “T-Bird at Ako.”
Ang “T-Bird at Ako” ay isa sa mga mapangahas na pelikula noong dekada 80 na tumatalakay sa mga isyung LGBTQ+.
Sa isang panayam matapos niyang tanggapin ang parangal para sa Best Actress sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF), agad niyang binabanggit ang pangalan ni Kathryn nang itanong kung sino ang pwedeng gumanap sa kanilang papel sa pelikula.
Nang mabanggit din ang pangalan ni Nadine bilang katambal ni Kathryn sa proyekto, sumangayon naman si Ate Vi.
“Oh, heaven ‘yan! Heaven ang team na ‘yan, parehong magaling! That’s a good pair,” aniya.
Matatandaang itinampok si Kath sa dark thriller na “A Very Good Girl” samantalang si Nadine naman ay napalinya sa horror at suspense sa sunod-sunod na proyekto tulad ng “Deleter,” “Nokturna,” at “Roadkillers” na ipinalabas sa Amazon Prime.