Kaka-inspire! Bulag na grad ng UST, patunay na walang imposible

Pinatunayan ni Jerome Santiago, ang unang bulag na graduate ng UST College of Commerce and Business Administration, na hindi hadlang ang kapansanan para magtagumpay sa buhay.

Naging makasaysayan ang pagtatapos sa kolehiyo ng 28-anyos na si Jerome Santiago kamakailan dahil siya ang pinaka-unang bulag na grumadweyt sa University of Santo Tomas College of Commerce and Business Administration.

Isang malaking achievement rin ito para kay Jerome dahil napatunayan rin niya na hindi hadlang ang kanyang kapansanan na makapagtapos ng pag-aaral at makipagsabayan sa kanyang mga kaedad sa isang malaking unibersidad.

“Kahit naman may disability ‘yung tao, meron pa rin siyang worth. Meron pa rin siyang abilities. Meron pa rin siyang mga kayang gawin,” ani Jerome sa panayam ng ABS-CBN News.

Simula ng pinanganak si Jerome, hirap na talaga siyang makakita. Tuluyang lumalala ang kanyang paningin bago pa man maging isang teenager.

Nakaranas man nang diskriminasyon dahil sa kanyang kapansanan, hindi siya pinanghinaan ng loob. Mas lalo pa siyang naging determinado na itaas ang kamalayan ng publiko na ang mga taong may kapansanan ay may kakayahang umunlad sa buhay at higit pa.

Ayon naman sa unibersidad, ang pag-graduate ni Jerome ay patunay ng pagiging inclusive ng institusyon.

“Lahat ng klase ng bata ay dapat tanggapin kasi karapatan nila pumasok sa isang ganitong pamantasan,” ani Associate Professor Elizabeth Magbata, chair ng UST Department of Financial Management sa College of Commerce.