Kahit bilang na lamang sa ngayon ang mga araw nila sa kalsada pero ang isang driver ng traditional jeepeney sa Bacolod City ay nilibre pa ang pamasahe ng kanyang mga pasahero bilang Christmas gift sa kanila.
Sabi ni Nichollen Fhaye de Vera, sumakay siya ng jeepney na byaheng Libertad papunta sa Bata at wala siyang binayaran.
“Daw indi pa magpati ang mga nagasakay nga free lang tuod. Christmas gift niya kuno kay basi last trip niya na (Parang hindi pa makapaniwala ang mga nakasakay na free lang talaga. Christmas gift daw niya kasi baka last trip na niya iyun,” sabi ni de Vera sa kanyang appreciation post Facebook.
Sabi ng driver, hindi na daw siya makakabiyahe sa January 1 ang mga traditional jeepney kagaya ng minamaneho niya. Nagkuwento pa daw ang driver na nag-aalala siya para sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga anak.
Kahit daw sa ganitong sitwasyon, nakangiti pa din daw ang driver sa mga pasahero niya. Humanga sila sa diver dahil sa kasalukuyang sitwasyon, pinili pa rin nito ang maging mapagbigay.
Hindi na kinuha ni de Vera ang pangalan ng driver pero kinunan niya ng larawan ang jeep nito pagkababa niya.
Sabi ni de Vera, isasama niya sa kanyang mga panalangin ang nasabing driver at iba pang kagaya ni manong.
“God is with us ah di mag balaka (wag mag-alala),” post ni De Vera.
Pinalakas naman ng mga netizen ang loob ng mga jeepney drivers.
“If God closes the door He open [s] the windows. God is in control. G[H]ave faith mga drivers,” sabi ng isang netizen.
“God bless you kuya driver! God will provide sa imo sang maayo nga(sa iyo nang magandang) trabaho! God is good all the time! Amen,” sabi naman ng isa pa.