Isang tatay sa Cebu, imbitado ni Coco Martin sa ‘Batang Quiapo’

Patok sa mga netizens matapos si Tatay Efren ng Cebu City nang mag-"apply" ito kay Coco Martin para gumanap sa "Batang Quiapo."

Good vibes ang dala ni Tatay Efren ng Cebu City sa mga netizens matapos ang nakakatuwa niyang video na akala mong nag-aapply at nagau-audition para makasali sa sikat na TV show na “Batang Quiapo.”

Sa isang YouTube video, makikita si Tatay Efren na hindi na lang basta humahataw sa sayaw kasama ang anak na si Engr Niña.

Ayon kay Tatay Efren, handa siyang gampanan anumang papel ang maibibigay sa kanya ni Coco Martin, na siyang bida at director ng teleserye.

“Tanggol, nananawagan ako sayo. Ako si Batang Cubao. Kung gusto mo akong kunin, huwag kang mag atubili. Kung wala na si Max Alvarado, andito ako,” ani Tatay Efren.

“Tanggol, kunin mo ako. Kahit tagapulot lang ng bala mo. Sunod-sunod lang ako sa pwet mo,” dagdag pa niya.

Si Lolo Efren ay nakilala sa social media bilang mahusay sumayaw kasama ang kanyang anak na si Engr. Niña. Tuwang-tuwa naman ang mga netizens sa panawagan ni Tatay Efren kay Coco Martin.

“Cute ni tatay. Goodvibes”

“Tatay is so cute! ha ha ha taga pulot ng bala mo!”

“Masayahin si tatay.kya natuwa syo si coco martin”

“patay c Tanggol”

Hindi naman dinedma ni Coco Martin ang mensahe sa kanya ni Tatay Efren.

Sa isang hiwalay na video, makikita na pinuntahan ng staff ng “Batang Quiapo” si Tatay Efren dala ang iba’t ibang regalo gaya ng jacket, t-shirt, telebisyon, at mga gamot.

Sinama din ng mga taga-“Batang Quiapo” si Tatay Efren at ang kanyang pamilya sa mall upang kumain sa Mang Inasal. At bilang panghuli, may video na pinadala si Coco para kay Tatay Efren kung saan nangako siyang magkikita din sila sa hinaharap.

“Kapag lumuwas po kayo sa Maynila, isasama ko po kayo sa Batang Quiapo,” pangako ni Coco.