Isang LET topnotcher piniling magturo sa Pilipinas sa kabila ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa

Mas pinipili ni Angelica Llona Baroso, ang fourth placer sa March 2024 Licensure Exam for Professional Teachers na magturo sa Pilipinas kaysa sa mangibang bansa.

Habang karamihan sa mga guro sa Pilipinas ay nangingibang-bansa para sa mas mataas na sahod at maginhawang kondisyon sa trabaho, nagdesisyon ang fourth topnotcher ng March 2024 Licensure Examination for Professional Teachers na manatili sa bansa para magturo.

Tubong Libon, Albay, ipinagpapasalamat ni Angelica Llona Baroso ang pagkakaroon ng mga dedikadong mga guro sa paligid niya na nagpasiklab ng kanyang pagmamahal sa pagtuturo.

“Being around them made me realize that teaching is an ideal profession because it also aligns with my values and abilities,” ani Angelica sa isang panayam ng Philippine News Agency.

Nagtapos si Angelica sa Bicol University noong 2018 na may degree sa secondary education major in science. Ngunit hindi naging madali ang kanyang pag-aaral dahil kinailangan niyang huminto ng isang taon nang magkaroon siya ng bilateral hernia at kailangan itong operahan.

Hindi naman siya nagpatinag sa pagsubok na ito. Sa katunayan, nagsilbing inspirasyon ito para pagbutihin pa niya ang kanyang pag-aaral pagbalik niya sa eskwela. Lagi rin niyang naiisip na siya ang magiging kauna-unahan sa kanilang angkan na makakuha ng degree.

Dinala niya ang motibasyon na ito hanggang sa pag-review at pag-take ng board exam habang pinagsasabay niya ang kanyang trabaho bilang tutor. Aminado ang 23-anyos na guro na ang tanging hiling lang niya noon ay makapasa sa board exam.

“But God had other plans. I believe that what is truly meant for you will always find its way, regardless of the circumstances. Despite all my hard work, this achievement is ultimately due to Him,” saad ni Angelica.

Nakumbinsi rin siya na ang pagtuturo ang kanyang calling nang maging student-teacher siya sa BU College of Education Integrated Laboratory School-High School.

Inamin niya na nakaramdam siya ng mental at emosyonal na pagkapagod dahil sa mabigat na workload at mga pasaway na estudyante, pero dito rin niya natuklasan ang tunay na kasiyahan kapag may natututunan sa kanya ang mga mag-aaral.

Sumasagi rin sa kanyang isip ang pangingibang bansa pero mas nangingibabaw pa rin ang kanyang pagmamahal sa Pilipinas.

Anya, ang pagtuturo ay sadyang nakakapagod at hindi nakakayaman, pero ang propesyong ito pa rin ang kanyang pipiliin dahil sa binibigay nitong “lifetime satisfaction” kahit pangkaraniwan lang ang mga benepisyo.

“Those who pursue and stay in teaching are the ones with a true calling for it. If, despite the exhaustion at the end of the day, you still feel a sense of fulfillment, it’s a clear sign that you’re meant for this profession,” sabi pa niya.