Hindi inaasahan ni Nenita Buenavista De Guzman na makikita niya ang isang madamdaming mensahe ng kanyang yumaong mister na si Ferdie sa selpon nito mahigit isang buwan matapos ito bawian ng buhay.
“One of the most comforting inspirational advices found on my husband’s device when he passed away,” ang naging caption ni Nenita nang i-upload niya ang video nitong Lunes.
Binawian ng buhay si Ferdie noong Oktubre 23 sa Canada, kung saan naka-base ang buong pamilya.
Sa video, nag-iwan ng mga practical tips at payo si Ferdie na tiyak na makakatulong para sa mga kabataang nagbabalak mag-asawa.
Bukod sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpupundar ng mabuting samahan, pinuri rin niya ang kayang misis sa pagtitiyagang pag-alaga sa kanya habang siya’y may sakit.
“Hi! Ito ang payo ko sa mga bago mag-asawa..uhm…mahalin nyo ang bawat isa. Iwasan nyo ang mga tampuhan,” bungad ni Ferdie sa kanyang video.
Nagpaalala rin siya tungkol sa marriage vow ng mga mag-asawa lalo na ang linyang “in sickness or in health, to love and to cherish till death do us part.”
Marahil madali itong sabihin habang bata at malulusog pa ang mga mag-asawa, kaya ang payo ni Ferdie sa mga kabataan ay magpundar ng mabuting samahan sa simula pa lang ng pagsasama.
“Kung di ako mahal ng misis ko palagay ko ay wala na ako sa mundong ito. Bakit kaniyo? Kasi ultimo pagtimpla ko ng kape iuutos ko sa misis ko,” pahayag ni Ferdie at kahit daw sa pag-inom niya ng gamot, laging nakaalalay ang kanyang misis dahil konting galaw lang ay hinahapo na siya.
Saad din ni Ferdie na may nakakabit na oxygen sa kanya 24/7 at nakalagay nga ito sa kanya habang nagre-record ng nasabing mensahe.
“Palagay niyo kung ang naipundar ko sa misis ko ay sama ng loob noong mga kabataan namin, aasikasuhin pa kaya niya ako ngayon? Maybe or maybe not? Ano sa palagay nyo? Hulaan nyo ha?” ang sabi pa niya.
Maraming mga puso ang naantig sa video na umabot na sa 3.3 million views at 44,000 shares simula ng inupload ito ni Nenita sa kanyang Facebook reels.
May ibang netizens na todo sangayon sa mga sinabi ni Ferdie, ang iba naman ay nangakong aalalahanin at isasabuhay nila ang kanyang mga payo pag dating ng panahon.
“Maraming salamat sir! Malaking tulong to sa munting pamilya ko!” saad ng isang netizen.
“Great Advice sir,” sabi ng isa.
“This is a reminder to everyone. Piliing mabuti kasi sya ‘yung makakasama nyo habang buhay,” sabi naman ng isa.
https://www.facebook.com/reel/891660889040215