Ilonggo vlogger, licensed teacher na sa wakas sa ika-15 na subok sa board exam!

Dahil naniniwala siyang habang may buhay, may pag-asa, isang Ilonggo vlogger at tour guide ang pumasa sa Licensure Exam for Teachers sa ika-15 na subok.

Never say die ang naging attitude ng isang Ilonggo para makamit ang matagal nang pangarap na maging licensed na guro. Dahil pagkatapos ng 15 takes ay sa wakas, nakapasa na si Renante Morano Villasis sa Licensure Examination for Teachers nitong Marso.

Kahit na paulit-ulit na hindi pumasa sa board exam, ni minsan ay hindi nawalan ng pag-asa si Renante, na mas kilala bilang Beboy, 42-anyos na nagtatrabaho bilang tour guide at vlogger, na magiging lisensyadong guro siya balang araw.

Taong 2014 ng magtapos sa kolehiyo si Beboy sa Northern Iloilo State University (dating Northern Iloilo Polytechnic College) sa kursong Bachelor in Secondary Education, Major in Filipino, ayon sa ulat ng Iloilo Bombo Radyo.

Pinaghandaan naman daw niya ang first take niya ng board exam, pero nabigo ito. Pero hindi siya nagpatinag kahit umabot na siya sa kanyang pang 14 na take na hindi pa rin pumapasa.

Kahit maraming nang pinagdaanan na unos sa buhay, kasama na ang pag-criticize sa kanya ng ibang tao, tanging ang ina niya ang hindi sumuko sa kanya.

Sa katunayan, bago ito namatay noong nakaraang taon, pinapalakas pa rin ng kanyang ina ang kanyang loob.

Sa mga kagaya niya na makailang beses na hindi pumasa sa board exam, ang payo niya huwag mawalan ng pag-asa habang nabubuhay.