Lumalala man ang karamdaman, walang balak ang Queen of All Media na si Kris Aquino na sumuko.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Miyerkules, ibinalita ni Kris, na nagdiwang ng kanyang 53rd birthday noong February 14, na anumang oras possible siyang ma-cardiac arrest dahil sa multiple autoimmune diseases na kanyang kinakaharap.
Subalit blessing pa rin para kay Kris na makapagdiwang pa siya ng kanyang kaarawan.
“I hate to say it, but you know, I’m very, very honest kasi hinarap ko na ‘to and ang bawat araw, pahiram na lang ito ng Diyos. So, whatever days are left, kung anuman ang natitira, it’s a blessing,” sabi ni Kris sa Zoom interview ni Boy mula sa kanyang tahanan sa Orange County, California.
“Binigyan ako ng bonus, so whatever days are left, it’s a blessing. But I really want to stay alive. Sino ba naman ang sasabihin na handa na akong mamatay?” ang matapang na sabi ni Kris.
Nagpasalamat din si Kris sa mga taong patuloy na nagdarasal at nagmamahal sa kanya. “Wala naman akong nagawa para sa inyo, pero kayo, sobra yung binibigay niyo sa akin na lakas,” dagdag pa ni Kris.
“Wala sa pananaw ko sa buhay na sumuko, hindi ko ipapahiya ang sarili ko sa inyo. I refuse to die,”dagdag pa niya.
Sa darating na Lunes, papasok si Kris sa ospital at may susubukang bagong biological na gamot at inaasahan ito na makontrol ang kanyang mga autoimmune disease at para sa kondisyon ng kanyang puso.
“This is my chance to save my heart. Because kung hindi ito tumalab, I stand a very strong chance of having cardiac arrest. As in pwedeng tumigil na lang yung pagtibok ng aking puso,” saad ni Kris.