Kung may world record sa pagiging malambing, tiyak sa mga Pinoy mapupunta ang korona.
Sa isang pag-aaral ng McCann Worldgroup, isang international ad agency, napag-alaman na ang mga Pilipino ang pinaka-expressive pagdating sa pagsasabi ng “I love you”—umaabot ito ng 17 beses kada linggo.
Ayon sa datos, sumusunod sa Pilipinas ang United Arab Emirates (16 beses kada linggo) at Egypt (14 beses kada linggo). Nasa mataas ding ranking ang Turkey (13 beses per week). Samantala, ang India (11 beses) at Indonesia (7 beses) ay nasa gitnang bahagi ng listahan, ulat ng Seasia Stats.
Ang mga kapitbahay naman ng Pilipinas na Singapore at South Korea ay medyo reserved pagdating sa pagpapakita ng emosyon dahil apat na beses kada linggo lang sinasambit ang “I love you,” samantalang tatlong beses naman kada linggo sa China at Hong Kong.
Ang Japan naman ang pinaka-chill dahil isang beses lang sa isang linggo sambitin ang “I love you” ng mga Hapones.
Ang malawak na pag-aaral na ito na pinamagatang “The Truth About Global Brands” ay nag-survey ng 30,000 katao mula sa 29 bansa upang maunawaan ang mga iba’t ibang kultura ng pagpapahalaga at pagpapahayag ng pagmamahal.