Hugot goals! Ipis, pwede ipangalan sa ex bago ipakain sa hayop sa isang fundraiser sa Valentine’s Day

Sa isang zoo sa Texas, United States, maaaring pangalanan ang ipis gamit ang pangalan ng ex-jowa bago ito ipakain sa mga hayop na inaalagaan ng zoo.
Found this article interesting? Help others discover it too!

Kung ang iba ay excited na sa Araw ng mga Puso para i-flex ang kanilang naglalagablab na lovelife, mayroon namang nais na lamang laktawan ang araw kung pwede lang dahil hindi pa rin maka-get over sa kanilang ex-jowa.

Pero sa isang zoo sa Estados Unidos, ang Valentine’s Day ay hindi lang para sa mga inlove dahil naglaan din ito ng isang fundraiser kung saan ang mga bisita ay maaaring simbolikong pangalanan ang isang ipis, daga, o gulay gamit ang pangalan ng kinabwibwisitan na ex bago ito ipakain sa mga hayop na nasa zoo.

Para sa Valentine’s Day ngayong taon, ibinibalik ng San Antonio Zoo ang patok na “Cry Me a Cockroach” fundraiser para sa mga bigo sa pag-ibig o sa mga nais makapag-move on o makapag-higanti sa kanilang mga ex, ayon sa report ng News 4 San Antonio.

“This Valentine’s Day, turn heartbreak into hope! Join San Antonio Zoo’s wildly popular Cry Me a Cockroach Fundraiser—where you can symbolically name a cockroach, rodent, or veggie after an ex or a “not-so-special” someone,” ang sabi ng San Antonio Zoo sa isang Facebook post.

“Your contribution helps feed one of our incredible animal residents and supports the zoo’s mission of conservation and care,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa ulat, ang mga ipis na ipapakain sa mga hayop sa San Antonio Zoo ay maaaring bilhin sa halagang $10 (Php585), ang mga daga sa halagang $25 (Php1,460), at mga gulay sa halagang $5 (Php290).