Sanay man sa pamba-bash ng mga netizen dahil sa kaniyang prankang pananalita at liberated na pananamit, hinangaan ng mga netizens ang vlogger na si Toni Fowler sa napaka mature na pag-handle nito sa “tampo” ng kanyang anak na si Tyronia.
Sa pinakahuling vlog ng ToRo family, ipinakita ang isang eksena kung saan nag heart-to-heart talk ang mag-ina tungkol sa mga bagay na bumagagabag sa kalooban ni Tyronia.
Kabilang na dito ang pakiramdam nito na hindi siya masyadong napagtutuunan ng pansin ng kanyang ina at ang kanyang feeling na hindi siya nakakatulong dito, lalo na at lahat ng tao sa kanilang bahay ay abalang-abala sa pagtatrabaho.
Sa kanilang pag-uusap, nilinaw ni Toni na hindi niya tinitignan bilang pabigat ang kanyang anak, bagkus, pinasasalamatan pa niya ito sa paggawa ng mga task na ibinibigay niya dito tulad ng pagbabantay kela Hapi at Birthday. Sinabi ni Toni na sa ngayon, ang ibinibigay niyang responsibilidad sa kanyang anak ay iyon munang naaayon sa edad nito.
Hindi rin binalewala ni Toni ang sinabi ng anak na naiinggit ito sa kanilang mga kasama sa ToRo family dahil mas nakaka-bonding pa nito ang kaniyang mommy.
“Huwag mong iisipin na hindi kita love ha, lahat kayo love ko pero ikaw ang anak ko. Lagi mong iisipin yun, okay? Huwag kang maiinggit anak, lahat ng tao dito ikaw ang kinaiinggitan. Lahat ng tao dito, kaya may bahay, may sasakyan, may kinakain araw-araw ay dahil nagsipag ako. Lahat yun hinugot ko dahil sayo. Ang maganda lang nasi-share natin yung blessings na yun,” ani Toni at niyakap ng mahigpit ang anak.
Sa isang bahagi ng vlog, sinabi ni Toni na nagpapasalamat siya at nag-aaral ng maigi ang kanyang anak at nag e-effort ito na makatulong sa kaniya pero nauunawaan niya ang saloobin nito na tulad ng ibang bata ay nagkakaroon din ng insecurity.
“Aanhin ko naman yung good grades kung hindi masaya yung anak ko, kung mararamdaman niya ay puro pressure?” aniya.
Idinagdag niya na darating naman ang panahon na mararanasan ito ng kahit sino pero may mga pagkakataon naman na pwede itong maibsan ng isang break tulad ng nilambing sa kanya ng kanyang anak.
Ito ang ilan sa mga reaksiyon ng mga followers ng ToRo fam sa YouTube.
“The best talaaga mag explain si mommy oni sa anak nya. Nakaka taba ng puso. Sana lahat ng parents ganyan mag explain.”
“Galing ni Mommy Oni maging mommy kay Tyronia bebe lumalaki syang mabuting tao at open palagi ke Mommy nya. Appreciative pa sya”
“Napaka genuine ng pagmamahal ni mommy oni sa toro family ..lalo na,sa mga bata”