Bilang Harvard grad, maraming plano si Annie Park, ngunit isang tawag mula sa kanyang ina noong 2019 habang siya ay nagbabackpacking sa Southeast Asia ang nagpabago sa kanyang tadhana.
Ngayon, ang 32-anyos na dalagita ay nagmamay-ari na ng isang namamayagpag na ice-cream chain sa Bethesda, Maryland at kumikita na ng $230,000 (Php12.8 million) kada taon.
Noong panahon na tumawag sa kanya ang kanyang ina na si Sarah, dating deli shop owner, ito ay para sabihin na balak niyang magbukas ng isang ice cream shop at kailangan niya ang kanyang tulong ng anak ng ilang buwan.
“To be honest, at first I was like, ice cream shop?” sabi ni Annie sa panayam ng CNBC Make It.
Kakakuha lang niya ng master’s degree in education policy and management sa Harvard ng mga panahong ito. “I wasn’t very excited about it,” pag amin niya.
Ngunit no choice naman siya bilang nag-iisang anak ng isang single mother na galing pa sa isang immigrant na pamilya. Tubong South Korea ang mag-ina at nag migrate sa US taong 2000 noong siyam na taong gulang pa lamang si Annie.
Hindi naman sorpresa para kay Annie na maisipan ng kanyang ina na magbukas ng isang ice cream shop dahil hobby nito ang paggawa ng ice cream na may iba’t ibang flavor combinations tulad ng apricots, fresh cherries with rose water at pistachios.
Gumagamit lamang ang kanyang ina ng natural ingredients para sa ice cream nito, hindi tulad ng ibang commercial ice cream na nakaasa sa food coloring at flavored syrups para mapasarap ang kanilang produkto.
Noong March 2019 ay nagbukas ang kauna-unahang shop ng mag-ina at pinangalanang Sarah’s Handmade Ice Cream. Di nila inaakalang papatok ito at pipilahan ng mga excited na customers hanggang sa kanilang closing time na alas-nuebe ng gabi. “It was something none of us ever expected,” saad ni Annie.
Sa loob ng isang taon, nagkaroon sila ng pangalawang shop sa Washington D.C. area at binabalak pang magbukas ng pangatlong branch nitong Disyembre sa Potomac, Maryland.
Sa halip na tumulong sa lamang sa loob ng ilang buwan, naging full-time na kasosyo na si Annie ng kanyang ina, na ngayon ay may 35 empleyado na at nagdadala ng $1.86 milyon na taunang kita.
Walang marketing budget kailanman ang Sarah’s Handmade Ice Cream para umangat sa mga kakumpitensiya. Sa halip ay nagdodonate sila ng ice cream sa mga lokal na non-profit at mga community organizations, at dahil dito ay umakit ng mga loyal customers sa kanilang lugar.