Happy Barkday! Dog lover nagpa-buffet sa mga stray animals bilang birthday celebration ng alagang aspin

Para sa ikatlong kaarawan ng alagang aspin na si Primo, namahagi ng mala-buffet na pagkain si Grab driver Rafael Zurbano sa mga stray animals.

Patok sa mga dog lovers ang naging birthday celebration ng isang adopted aspin dahil imbes na pang sarili ang inuna ay nagpa-buffet ito sa mga stray dogs sa daan kasama ang kanyang among Grab driver.

Para sa kaarawan ng alagang si Primo, naghanda si Rafael Zurbano, na mas kilala bilang Pogs Vlog sa Facebook, ng iba’t ibang putahe na siya mismo ang nagluto para ipakain sa mga asong makakasalubong nila sa biyahe.

Dahil wala siyang lutuan sa bahay na nirerentahan kasama si Primo at isa pa niyang ampong aspin na si Brownie, naisipan niyang manghiram ng karinderya para makaluto para sa pa-birthday buffet ng kanyang mahal na alaga.

Kwento rin ni Rafael na napulot niya sa damuhan si Primo nang tuta pa lamang ito noong June 3, 2021, kaya ito na ang naging designated na kaarawan ng alaga.

Ikinatuwa naman ng mga netizens ang naging birthday celebration ni Primo at pinuri rin ang kabaitan ni Rafael sa mga stray animals:

“Happy barkday Primo! Galing2 Thank you for sharing your blessings to the stray Pogs Vlog. God bless”

“Happy birthday Primo napaka swerte mo at may papa Pogs kang mabait”

“Mas thank you sayo Pogs ..Ikaw Yung susi sa Gawain na yan…sana wag Kang magsasawang magmahal sa kanila….happy happy bday sayo Primo the big boy”