Bagama’t kakaiba ang naging hanapbuhay noong bata pa si Albert Tranquilino bilang janitor at katulong sa isang maliit na flower at funeral parlor shop dito sa Pilipinas, namamayagpag naman siya ngayon sa United Arab Emirates bilang isang floral entrepreneur.
Binuksan ni Albert ang unang shop na Darcey Flowers sa Al Quoz sa Dubai noong 2018 bilang katuparan sa kanyang matagal nang pangarap maging isang businessman.
Aniya, nagtatrabaho pa lamang siya sa punerarya at flower shop sa murang edad na 12 ay nais na niyang maging isang matagumpay na negosyante.
“The idea of becoming an entrepreneur had always been close to my heart, ever since I was a young boy,” saad ni Albert sa isang panayam sa The Filipino Times.
Nang makatapos ng kolehiyo at makapunta sa Dubai, dito na niya sinimulan ang kanyang pangarap at ayun nga ay ang kanyang flower business.
Mula sa simpleng shop, kalaunan ay nagbukas na rin flagship boutique ang Darcey Flowers sa tanyag na lugar ng Jumeirah, City Walk. Ang Darcey Flowers ay nangungunang flower shop at flower delivery sa Dubai.
Ngunit tulad ng ibang mga businesses na naapektuhan ng pandemya, marami rin pinagdaanang hirap ang Darcey Flowers. Nagsara ito ng mahigit isang buwan noong 2020 at labing anim na empleyado ang nanganib mawalan ng trabaho.
“It was a trying time that tested our resilience and unity in unprecedented ways,” ani Albert.
Dahil sa tiyaga, pagiging wais at pati na rin sa pagtanggap sa pagbabago ng panahon, nalampasan naman ng buong team ang unos.
Ngayon, mas lumago pa ang negosyo ni Albert. Bukod sa online at mga retail shops, nag-specialize na rin ito sa corporate sales, at inaalok na rin ang kanilang magagarang floral arrangements sa iba’t ibang mga okasyon tulad ng mga weddings.
May mga payo naman si Albert para sa mga nangangarap ring maging negosyante: “Pursue your passion with boldness and determination. Your unique experiences, coupled with your resilience, are the foundation for success. Entrepreneurship is not just a path to financial growth but a means to turn your aspirations into reality. Be courageous, take the leap, and your passion will guide you to success.”