Gradweyt na bigo sa Latin honors, tumabo naman sa April 2024 civil engineering board exams bilang Top 5

Nagpasalamat sa pamamagitan ng isang social media post ang 5th highest passer sa nakaraang April 2024 civil engineering licensure exams kung saan sinariwa niya ang kanyang paghahanda upang magbigay inspirasyon sa mga kukuha ng board exams.

Bigo man makatapos nang may Latin honors sa kanyang kursong Civil Engineering, itinodo naman ng isang mag-aaral mula sa University of Santo Tomas ang pagpupursige sa board exam at hinirang siyang ikalimang pinakamataas ang puntos sa nakalipas na April 2024 Civil Engineers Licensure Examination.

Sa kanyang appreciation post, sinabi ni Jonas Aldrin Abad na bagaman hindi siya nakatapos nang may Latin honors, nagpursige naman siya ng husto sa boards kung saan nakakuha siya ng 92.95%.

“I failed to graduate with honors, so I topped the board exam instead,” sambit ni Jonas.

Nagpasalamat naman siya sa kanyang pamilya at mga kaibigan na sumuporta sa kanya habang naghahanda para sa board exam.

“To my Day & Night Classroom family, and Solution ni Alex family, thank you for being a part of my review journey,” dagdag ni Jonas.

“To Gwyne, thank you for always answering my questions kapag may mga hindi ako nagegets. Thank you for making sure na natututunan ko rin yung mga naeencounter mo na concepts and problems na hindi naturo sa review center natin. You always believed that I would top the exam, and I am glad to prove you right.”

“Lastly, thank you God for answering my prayers and making this dream come true,” sinabi pa niya.

Sa isang panayam sa pahayagang Balita, sinabi ni Jonas na magbabakasyon muna siya sa mga susunod na linggo, bago sumabak sa paghahanap ng trabaho.