Grab driver, nakatagpo ng bagong misyon sa pagtulong sa mga asong gala

Nagkaroon ng bagong misyon sa buhay ang Grab driver na si Rafael Zurbano mula nang ampunin niya ang askal na si Primo.

Noong 2021 nang ampunin ng Grab driver na si Rafael Zurbano ang kanyang alagang si Primo. Mula nang mabuo ang kanilang samahan ay hindi na sila halos naghihiwalay.

Katunayan, naging sidekick na siya ng kanyang bossing sa paghahanap buhay kaya’t kasama siya nito sa maghapong biyahe. Masaya naman si Primo na magtanggal ng bagot ng kanyang amo habang tumatahak sa napakahabang traffic.

Sa isang panayam sa Good Vibes Daily Ph, sinabi ni furdad Rafael Zurbano na nauna niyang maisipan na isama sa biyahe si Primo nang inireklamo sila ng inuupahan nilang bahay dahil sa ingay. Mabuti na lamang ay may puso din ang Grab para sa mga hayop kaya’t hindi naging problema na isama ito sa biyahe.

“Wala naman po (naging problema) dahil pet lover naman si Grab. Meron na nga silang binuong transportation para sa mga pet,” aniya.

Ayon kay Rafael, instant bodyguard at alarm clock ang naging role ni Primo sa kanyang mga biyahe. Dahil napaka-protective nito sa kanya, lagi siya nitong binabantayan laban sa mga masasamang loob na magtatangkang manakit sa kanya.

At dahil kailangan din nitong kumain, hindi na rin nalilipasan ng gutom ang kanyang masipag na amo kahit sunod sunod ang booking.

“Mas okay nga yung kasama siya kasi hindi ako nalilipasan na ng gutom dahil kelangan niya kumain sa tamang oras. Kami kasing mga driver, madalas nalilipasan ng gutom dahil ang mindset is makaboundary agad. Tsaka puro gamit lang naman ang karga ko hindi naman tao kaya okay lang,” aniya.

Mula nang ampunin ni Rafael si Primo mula sa daan, lalo din siyang napalapit sa mga asong gala sa lansangan kaya’t naging bahagi na din ng kanyang routine ang pagpapakain sa sinumang madaanan nila sa kalsada. Bukod pa rito, nakahanap din siya ng bagong purpose sa pag-aalaga sa mga ito.

Maraming nakakapanuod ng vlog nina Primo at Rafael ang nagpadala ng mensahe sa kanya sa pagasang ang isa sa mga asong nadaanan niya ay ang mga nawawala nilang alaga. Kaya’t kahit na may mga namba-bash sa kanyang ginagawa ay patuloy pa din siya sa kanyang pagtulong sa pagasang may magmamagandang loob na umampon sa mga aso, o kundi man ay maibalik ang mga ito sa kanilang mga dating among nangungulila sa kanila.

“Simula nung nagalaga ako ng dog, napalapit na din ako sa mga stray dog. Hindi pako nagvivideo (noong una), tumutulong na ako sa mga stray. Last October 2023 lang ako nag start magvideo nila. Sa tulong po ng video ko, madami din po nagmemessage na baka daw yung dog nila yun. Kaya ung palatandaan nila sa dog nila pinapasilip nila sakin. May mga kawawang aso naman ang naipagamot dahil sa sakit,” paliwanag niya.

Bukod sa mga content tungkol sa kanilang mga biyahe ay nagbabahagi rin si Rafael ng mga pasilip sa pang araw-araw na buhay nila ng kanyang alaga.