Balak ng Bureau of Immigration (BI) na i-level up ang mga electronic gates (e-gates) sa mga international airports para lalo pang mapabilis ang pag-proseso ng pagdating ng mga pasahero sa airport.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na tatangalin na ang pag-scan ng mga boarding pass sa e-gates para mabawasan ang processing time para sa mga arriving passengers.
“Instead of printing a sticker to be attached on the passport, passengers will receive an email acknowledging their arrival. This is the best practice that we are emulating from other countries,” ani Tangsico.
Dagdag pa niya, pinagsasama-sama na nila ngayon ang mga data ng mga airline para mai-connect sa e-gates at mabawasan ang mga hakbang na kinakailangan gawin ng mga pasahero.
Nasabi na dati ng ahensiya na sa pag-install ng e-gates sa mga international airports, naging walong segundo na lamang ang pagproseso sa mga pasahero kumpara sa dating 45 na segundo.
Para rin mabawasan pa ng 25% ang mga manual operations sa mga international na paliparan, bibili pa ng dagdag na e-gates ang BI, ayon kay Tangsico.