Nagsimula sa isang simpleng YouTube channel, ang isang inisyatibong sumusuporta sa mga matatandang bakla sa Pilipinas ay isa nang legit na community group na nagsisilbing tahanan at sandigan para sa sektor na ito ng lipunan.
Ang Golden Bekis ay sinimulan ni Kyle Mendrez noong 2021 sa gitna ng pandemya, at ngayon, mayroon na silang 30 miyembro, karamihan ay mga beki na may edad 50 hanggang 83 anyos. Ang layunin? Magkaroon ng boses ang mga elderly gays sa isang platform kung saan sila’y makikita at maririnig.
“Initially it started as a YouTube channel, creating video vlogs, dun naming siya inumpisahan. Parang gusto ko lang magkaroon ng channel yung mga elderly gays,” ani Kyle sa isang panayam ng Philippine Information Agency.
Marami anya ang nawalan ng trabaho noong panahon ng pandemya, kasama na dito ang mga miyembro ng LGBTQ+s. Dagdag pa sa pagiging jobless, marami rin sa kanila ang nag-iisa at walang pamilya. Karamihan sa mga kasapi ng Golden Bekis ay mga street dwellers at mga nagtitinda sa kalye.
Kaya’t para mas maging sustainable Golden Bekis, pinasok nila Kyle ang iba’t ibang livelihood projects para masustenuhan ang mga pangangailangan ng kanilang mga miyembro. Gumagawa sila ng mga arts and crafts, mga bags at bracelets na binebenta sa iba’t ibang mga bazaars sa Metro Manila.
“Nag-raise ako ng kaunting funds to start. Doon kami nagsimula sa mga bracelets, semi-precious stones. Continuously pinopost naming siya sa social media hanggang sa nakilala. Hanggang sa na-invite na kami ng iba’t ibang grupo sa mga bazaars, sa mga corporate events,” kwento pa niya.
Nakipag-collab din ang Golden Bekis sa Quezon City Small Business and Cooperatives Development Promotions Office para makakuha ng kinakailangang tulong at oportunidad sa marketing at paglago ng kanilang mga proyekto.
Ang kita naman ng grupo ay napupunta naman sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga miyembro kasama ang pagkain at iba pang kailangan sa bahay. May naitatabi ring pondo ang grupo sakaling magka-emergency ang kanilang mga miyembro.
“Gusto ko kasi magkaroon ng more awareness ang society about aging LGBTQ, currently we don’t have a shelter talaga na pwedeng puntahan, in need na pwede nilang puntahan, puwedeng masilungan,” ani Kyle.