Goat for the GOAT: Cum Laude, niregaluhan ng jowa ng isang kambing bilang graduation gift!

Halong tuwa at sorpresa ang naramdaman ni Camille Rosete Viloan, isang cum laude graduate sa Notra Dame of Midsayap College sa Cotabato, nang regaluhan siya ng isang kambing ng kanyang boyfriend para sa kanyang graduation.

Kung ang ibang mga gradweyt money garland ang natanggap na regalo para sa kanilang big milestone, isang cum laude naman sa Midsayap, Cotabato ay may pang GOAT na regalong natanggap mula sa kanyang boyfriend: isang kambing!

Sa isang Facebook post ni Camille Rosete Viloan, na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies sa Notra Dame of Midsayap college, nagpasalamat siya sa kanyang jowa na si Ton Ton Funtilon sa sorpresang inihanda para sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo.

“It was a very memorable experience being surprised,” ani Camille. Hindi niya anya ineexpect na makakatanggap siya ng regalo, lalo na isang kambing, dahil hindi pala-sorpresa at pala-regalo ang kanyang boyfriend.

Sinalubong siya mismo ng kanyang nobyo kasama ang kambing pagkatapos na pagkatapos ng kanyang graduation rites kaya aliw na aliw rin ang ibang mga nagtapos at mga bisita nang makita ang kanilang eksena.

Sobrang na-touch naman si Camille sa gesture ng kanyang boyfriend. “Thank you for showing your love! My success is your success as well! Camille Rosete Viloan, Cum Laudeng may kambing,” dagdag pa niya sa kanyang FB post.