Sa likod ng tagumpay ni Police Cadet Ma. Camille Cabasis, taglay niya ang diwa ng pagsisikap at determinasyon para makamit ang kanyang mga pangarap.
Nag-iisang anak lamang siya ng simpleng mag-asawa mula sa Lian, Batangas, ngunit mula pa pagkabata, ipinakita na ni Camille ang kanyang husay at dedikasyon sa pag-aaral. At ngayon, siya’y nagtapos bilang Top 1 ng Layag-Diwa Class of 2024 sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Hindi biro ang kanyang pinagdaanan bago marating ang kasalukuyang tagumpay. Mula sa pagtatrabaho sa isang photocopy center hanggang sa pagtitinda ng siopao, lahat ay pinaghirapan niya para makapagtapos sa kolehiyo.
“That also helped me with the expenses during my college days,” ang kwento ni Camille sa Pulis News Network.
Sa kabila ng mga hamon, may tatlong prinsipyong pinaniniwalaan si Camille bago niya nakamit ang pagiging Top 1 ng kanyang klase: laging handa, sipag at tiyaga, at ang tiwala sa Diyos.
Nitong Biyernes, Abril 19, tinanggap niya ang prestihiyosong Presidential Kampilan Award sa 45th PNPA Commencement Exercises na ginanap sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite.
Bago pumasok sa PNPA, nagtapos rin si Camille bilang cum laude sa Batangas State University na may degree ng criminology, ayon sa ulat ng Philippine Star. Naging topnotcher din siya sa board exam sa Calabarzon region.