Gising BLACKJACKs! Comeback project para sa 2NE1, mukhang posible ngayong taon

Malaki ang posibilidad na magkaroon ng comeback project ang 2NE1, ayon sa Korean media.

Is this it? Ito na ang tanong ng mga BLACKJACKS matapos mapabalita ang posibilidad ng isang comeback project para sa 2NE1, ang second gen idol group na binubuo nina Sandara Park, CL, Minzy, at Park Bom.

Kalat ang ugong-ugong sa mga entertainment networks sa Korea ang nalalapit na pag-uusap ng mga miyembro ng 2NE1 at ang YG Entertainment founder na si Yang Hyun Suk para sa posibleng comeback ng iconic K-pop girl group.

Mahalaga ang taong ito para sa 2NE1 at sa kanilang fandom na BLACKJACK dahil ang 2024 ang 15th debut anniversary ng grupo.

Matatandaang nag-disband ang grupo noong 2016 at unti-unting nagsipag-alisan sa YG ang mga miyembro nito.

Naunang pumulas si Minzy at naglabas ng sariling album. Si Park Bom naman ay kamuntikan nang mag-sign sa sub-label ng YG na The Black Label kasama ang producer na si Teddy Park ngunit nang hindi ito natuloy ay nakuha siya ng D-Nation.

Si CL ay umalis na din sa YG matapos maunsyami ng ilang beses ang kanyang solo album. Pinakahuli namang lumipat sa Abyss Entertainment si Sandara Park na sumikat pa sa variety shows at stage musicals bago nagpaalam sa YG.

Huling nagperform ng magkakasama ang 2NE1 sa Coachella bilang sorpresa sa set ni CL sa music festival.