Sa unang pagkakataon, ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay isang babae sa katauhan ni Col. Francel Margareth Padilla.
Sa isang press conference noong Lunes sa Camp Aguinaldo, Quezon City ay ipinakilala ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. si Padilla.
Papalitan ni Padilla si Col. Medel Aguilar, ayon sa ulat ng ABS-CBN News. Si Padilla ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sanghaya” Class of 2000.
“I’d like to thank Col. Aguilar. He’s transitioning the role to me… I also want to thank the chief of staff for the trust and confidence given me to be the new AFP spokesperson,” ayon kay Padilla na naniniwala na magiging “smooth” ang transisyon nila ni Aguilar.
Ipinangako naman ni Padilla na magiging maayos ang kanyang pagbibigay ng impormasyon sa publiko lalo na patungkol sa “thrusts of the AFP.”
Sa kasalukuyan, si Padilla ay isang commissioned officer ng Philippine Army’s Signal Corps. Nakatanggap din ng pagkilala si Padilla bilang Global Cybersecurity Woman Leader of the Year 2023, na may 62 na nominado sa ibat-ibang bansa, dahil na din sa kanyang adbokasiya na tinawag na “Cyber for Peace” initiative.