Galing mo girl! 11-yr-old Fil-Am, wagi sa rapid, blitz chess tourney sa Albania

Nagtala ng back-to-back wins sa rapid at blitz chess categories ang 11-year-old Filipino-American Woman FIDE Master na si Megan Paragua sa isang turneyong ginanap sa Albania noong Abril.

Nakamit ni Filipino-American Megan Paragua ang rurok ng tagumpay para sa kanyang age group matapos magtala ng back-to-back wins sa naganap na World Cadet Rapid and Blitz Championships na ginawa sa Albania nitong nakalipas na Abril.

Nakuha ni Megan ang gintong medalya sa under-12 rapid at blitz categories, na tumulong sa kanyang pag-angat sa ranking sa US chess federation, ayon sa ulat ng GMA News Online.

Kinilala ng Konsulado ng Pilipinas sa New York ang bagong kampeon, na isa na ring Woman FIDE Master sa murang edad na 11.

“We’re very proud of what she has accomplished and I think she’s representative of the quality of the younger generation in the Filipino-American community. We at the consulate will always be here to offer any support we can, but more on the celebration of her Filipino heritage and the national pride that we feel whenever accomplished persons like her,” ayon kay Consul General Senen Mangalile.

Nagtungo si Megan kasama ang kanyang mga magulang sa konsulado para sa isang courtesy call kay Mangalile.

Tuloy-tuloy ang pagsasanay ni Megan, na ginagabayan ng kanyang ama at coach na si Jan, habang isang dialysis technician naman ang kanyang ina na si Jennifer. Parehong tubong Bulacan ang mag-anak.

Nais ni Megan makamit ang ranggong national chess master at maging isang ganap na international chess master sa hinaharap.

“Definitely do hard work because you can’t just wake up one day and be really good at this and do nothing at all. Consistently try to play chess or practice on what you want to do… and just keep on going no matter if you lose or you win,” sinabi ni Megan nang tanungin siya kung mayroon siyang maipapayo sa mga kabataan na nais maging isang chess master.