Galawang tourism ambassador! Sandara Park, nagbitbit na naman ng Korean celebs sa Pinas

Gusto na ng mga fans na gawin nang opisyal ang pagiging tourism ambassador ng Pilipinas dahil sa dalas niya sa bansa.

Sa sobrang dalas na nagdadala ni Sandara Park ng Korean celebrities sa Pilipinas, maraming fans na ng Pambasang Krung Krung ang humihiling na gawin na itong opisyal na tourism ambassador ng bansa.

Kamakailan lang, isinama naman ni Dara ang kanyang kapatid na si Thunder, ang kanyang hipag na si Mimi at ang dating MBLAQ member at ngayo’y K-drama actor na si Lee Joon sa susunod na episode ng kanyang Dara Tour.

Matatandaang dating magkasama sa grupong MBLAQ si Thunder at Lee Joon bago umalagwa ang karera nito sa acting. Ngayon ay mapapanuod naman ito bilang isa sa mga bida ng “Revenge of the Seven Season 2.”

Sa kanyang post sa X, ibinida ni Dara ang kanyang itinerary kasama ang kanyang kapatid at mga kaibigan kung saan makikitang enjoy na enjoy ang mga ito sa pagkain at pamamasyal kahit na napakainit sa Pinas.

At dahil panay naman ang balik ni Dara sa Pilipinas na kailan lang ay ipinasyal naman sa bansa si Minzy, marami ding request ang mga faney kung sino ang nais nilang bitbitin ni Dara.