From online to offline: 23-anyos na Gen Z, nag-live selling lang, pero ngayon may sariling tindahan na sa Greenhills!

Sa pagiging produktibo itinuon ni Roberto Bedural III ang kanyang oras kaya naman napalago niya ang kanyang munting negosyo ng pagbebenta ng mga laruan.

Kung karamihan sa mga kabataan ay nagbabad sa social media at online games noong pandemya para magpalipas ng oras, iba naman ang naging trip ng 23-anyos na si Roberto Bedural III: nagbenta siya ng kanyang mga lumang laruan.

Ngayon, nakapagbukas na siya ng sarili niyang tindahan sa Greenhills sa San Juan City—ang RGB Toyzone, na nagsimula lamang sa pagla-live-selling ng mga Funko POPs.

“This was the time that social media [was] continuing to rise, and the concept of live selling was just booming. I think I was able to strike during the right time, so I was able to capitalize [on] the opportunity,” ani Roberto sa panayam ng PhilSTAR L!fe.

Naglabas si Roberto ng Php20,000 mula sa sarili niyang bulsa para pondohan ang kanyang online business. Nanghiram din siya sa kanyang ina ng Php20,000 pang dagdag pero nabayaran rin niya ito agad. Dahil pumatok ang kanyang online business at lumalaki na rin ang kanyang kita, dito na niya naisipang magbukas ng brick-and-mortar store. Kung ang trend ngayon ay pagsasara ng mga physical stores para gawing online ang business, mas gusto naman ni Roberto na may aktwal na tindahan ang kanyang negosyo para mas mapalapit pa sa mga tao ang kanyang mga produkto. “We have decided to add a physical store so we will not be too reliant on online platforms, and this is another way to bring the brand closer to the customers since they are also demanding for this,” sabi niya. Nagkaroon din siya ng tatlong business partners at isa nga dito si Isaac Ern Galang na dati niyang suki. “I am continuously working on achieving this feat, together with the help of my friends, my business partners, and customers,” saad ni Roberto.