From cleaner to real estate owner: Paano nagtagumpay ang isang Pinay sa Australia sa tulong ng ngiti

Nagsimulang cleaner si Mae Schame Areola Lollback sa Australia, ngunit dahil sa sipag at kanyang positive outlook sa buhay, naging business owner na rin ito ang nagmamay-ari na ng 18 properties sa Australia.

Ano ba ang nagagawa ng isang ngiti sa buhay ng isang tao? Para kay Mae Schame Areola Lollback, isa ito sa mga sikreto kung bakit napapagaan ang trabaho niya bilang isang cleaner sa Australia.

Hindi madali ang kanyang trabaho pero alang-alang sa mga pangarap sa buhay, kinaya ito ni Mae. Dagdag pa niya, excited siyang magtrabaho noon lalo pag nakakahawak ng mga kagamitang panlinis o mga equipment na hindi niya pa nagagamit sa Pilipinas.

Hindi lang pagiging cleaner ang pinasok niya sa banyagang bansa pati na rin pagre-recycle at pag o-online selling.

“Never ako nag self-pity kasi since then, my mom, sabi niya kahit anong klaseng trabaho basta hindi ka nagnanakaw, hindi delikado o hindi iligal, go lang!” sabi ni Mae sa panayam sa kanya ng Special Broadcasting Service o SBS sa Australia.

Taong 2016 nang dumating si Mae sa Australia matapos magpakasal sa isang Filipino-Australian na si Terence. Ikinasal ang dalawa noong 2011 sa Pilipinas.

Dahil masipag sa trabaho, napromote si Mae bilang isang supervisor hanggang sa nagtayo na rin ito ng sariling niyang cleaning company kasama ang kanyang mga kapatid.

Kalaunan, nagdesisyon na silang bumili ng mga bahay, sa pamamagitan ng pag-loan sa bangko. Nag umpisa sa isa hanggang sa dumami na ito. May kabuuang 18 properties ang mag-asawa kasama na ang ang sakahan sa New South Wales at mga bahay na pinapa-rentahan sa Queensland.

Ang payo naman ni Mae sa mga gusto ring magkaroon ng mga investment: “Work (lang) kayo ng work ‘gang kaya. Save and isipin talaga saan kayo mag- iinvest at magconsult kayo sa ibang tao. Huwag kayo mahihiya, then i-compare kung ano ba dapat.”