Literal na tinawid ng magkasintahang Bryan Medina at Shannen Ann Barbosa ng Navotas City ang panganib, ulan, at baha patungo sa kanilang forever.
Ito ay matapos nilang kinailangang sumampa sa Libreng Sakay ng gobyerno para lang makarating sa kanilang nakatakdang kasal sa Navotas City Hall sa harap ni Mayor John Rey Tiangco.
Sa Facebook post ni Mayor John Rey, kinwento niya ang ginawa nila Bryan at Shannen para lang maikasal noong Miyerkules na kasagsagan ng lakas ng ulan at rumaragasang baha.
“Sumakay pa sila sa libreng sakay para lang makarating sa City Hall at maikasal. Lodi natin ang kanilang pagmamahalan at hangad natin na ulanin ng biyaya ang kanilang pagsasama,” sabi ni Mayor John Rey.
“Eyy muna tayo para sa bagong kasal. Eyy!!!” dagdag pa nito.
Nang tanungin ni Mayor John Rey paano sila aalis ng City Hall para mag-celebrate, sinabi ng bagong kasal na sasakay sila ulit sa Libreng Sakay.
“Paano kayo babalik?… Sasakay daw ulit sila,” sabi ni Mayor John Rey.
Isa ang Navotas City sa matinding tinamaan ng ulan at bagyo na dala ni Bagyong Carina lalo pa’t nasabay ito sa high tide na umabot ng dalawang metro nung Miyerkules.
Hindi nga lang ito sapat para mapigilan ang pagpapakasal nila Bryan at Shannen.
Congratulations and best wishes, Bryan Medina and Shannen Ann Barbosa!