Epic save! Pinoy hero sa Japan, tumalon sa dagat para iligtas ang 6-anyos na bata

Bayani kung ituring ang isang hindi pa nakikilalang Pinoy matapos na iligtas ang isang bata na nahulog sa dagat sa Japan.

Hindi na nagdalawang-isip ang isang Pinoy sa Japan na tumalon sa dagat at iligtas ang nahulog na anim na taong gulang na batang lalaki sa isang sikat na fishing spot sa Japan.

Sa report ng Livedoor News, ayon sa Inquirer.net, walang suot na life jacket ang bata nang mahulog ito sa Hakozaki-futou sa Higashi-ku, Fukuoka City.

“But a Filipino man, a technical intern, jumped into the sea and helped [him]. [B]oth of them were not injured,” ayon sa sa ulat.

Namimingwit din umano ang 26-anyos na lalaking Pinoy nang mangyari ang insidente noong Hunyo 16. Naiwasan ang isang hindi magandang pangyayari dahil sa maagap na pag-aksyon ng Pinoy, dagdag pa ng ulat.

Hindi na umano binigay ng Pinoy ang kanyang pangalan sa mga magulang ng bata dahil hindi naman daw siya importanteng tao.

Pinuri naman ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya ang kabayanihan ng Pinoy.

“Heroism knows no boundaries. A story of a true Bayaning Filipino in Fukuoka who selflessly saved a young boy from the sea. His selfishness and bravery inspire us all,” ayon kay Kazuya sa kanyang post sa X.