Nabilib ang mga netizens sa isang engineering student ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila dahil pinagsasabay nito ang pag-aaral at pagtitinda ng swak sa budget na chicken pastil na siya mismo ang gumagawa.
Nilalako ni Yuan Aaron Villamil ang kanyang pastil sa loob ng paaralan, kung saan siya kumukuha ng kursong mechanical engineering. Sa halagang Php10, madalas sold out ang kanyang paninda.
Bilang panganay, pinagsisikapan ni Yuan na makapagtapos upang makatulong sa kanilang single mom pati na rin sa kanyang mga kapatid.
Dahil sa suporta ng mga humahanga sa kaniyang kasipagan, marami ang nagbibigay kay Yuan ng donasyon na ginagamit naman niya sa kanilang “Pamigay Project ng Pastil sa Dapitz,” kung saan nag-iikot siya kasama ang kanyang mga kapatid sa lungsod ng Maynila para mamigay ng pastil sa mga nangangailangan.
Naniniwala naman ang netizens na malayo ang mararating ni Yuan dahil sa kanyang kasipagan, determinasyon at diskarte sa buhay.
