EJ Obiena, wagi sa pole vault competition sa US; tuloy ang arangkada sa paghahanda sa Paris Olympics!

Umaarangkada na ang paghahanda ni Filipino Olympian na si EJ Obiena para sa nalalapit na Paris Olympics sa Hulyo matapos manalo sa isang kompetisyon sa US kamakailan.

Nasungkit ni Filipino Olympian na si EJ Obiena sa USA Track and Field Los Angeles Grand Prix, ang kanyang kauna-unahang panalo sa Estados Unidos.

Bahagi ang panalo ni Obiena sa tuloy-tuloy na paghahanda niya sa nalalapit na Paris Olympics sa Hulyo.

Hindi lang gintong medalya ang napanalunan ni Obiena sa palaro dahil siya rin lang ang kaisa-isang atleta na naka-clear ng 5.8-meters sa pole vault competition.

“2024 Olympic Season Opened,” sinabi ni Obiena sa kanyang social media account. “[Los Angeles Grand Prix] was a blast with all the Filipinos who came out waving flags and screamed their hearts out. Some were even wearing the #EJxPUMA shirts!!!”

“5.80m to get things rolling and a bonus win,” dagdag pa ni Obiena.

Ginanap ang palaro sa Drake Stadium kung saan nakaharap ni Obiena ang iba pang mga kalahok tulad ng American record-holder na si KC Lightfoot, Saudi record-holder na si Hussain Assem Al-Hizam at 2020 Olympic silver medalist Chris Nilsen.

Naungusan pa rin ni Obiena ang mga kalaban na sina Norwegian Simen Guttormsen at Lightfoot, na nakakuha ng silver at bronze sa palaro.