Wagi si Pinoy pole vault icon EJ Obiena sa kauna-unahang PATAFA Pole Vault Challenge na ginanap sa Vermosa Sports Hub sa Cavite.
Tinawid ni Obiena ang 5.80 metro sa kabila ng ulan, dahilan upang siya ang manguna sa kumpetisyon. Tinalo niya si Yan-Han Wu ng Chinese Taipei na nagtala ng 5.15 metro at nagkamit ng silver, habang ang kapwa Pinoy na si Hokett Delos Santos ay nakakuha rin ng 5.15 metro para sa bronze.
Bagama’t aminado si Obiena na hindi siya fan ng ulan, sinulit pa rin niya ang pagkakataon na lumaban sa kanyang home soil.
“…Happy to jump a new SB at my home track. Thank you for everyone that came to compete, watch and soak in the rain!!! Hope y’all had fun!!!” ani Pinoy pole vault Olympian.
Bago nito, nagtapos si Obiena sa ika-limang puwesto sa Shanghai leg ng Wanda Diamond League noong Sabado, at ika-pito naman sa Xiamen leg noong Abril 26.
Kasalukuyan siyang naghahanda para sa Asian Championships na gaganapin sa Mayo 27-31 sa Gumi, South Korea.