Easy Noche Buena hack sa darating na Pasko: Plastik na basura napapalitan ng grocery items sa Pasig City

Kung taga-Pasig ka, ipunin lang ang mga plastik na basura at may instant grocery items ka na!

Sa Pasig City, tunay na may biyaya sa basura dahil naglungsad kamakailan ang lungsod ng isang programa kung saan ang mga single use plastik na basura ay mapapalitan ng groceries.

Sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang program ay naglalayon na mabawasan ang pagkalat ng basura kagaya ng mga PET bottles, na isa sa mga nagpaparumi sa karagatan.

Nais rin ng program na turuan ang mga Pasigueño ng recycling.

“Maraming salamat po kay Acting MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa inisyatibong ito at sana magpatuloy pa ito sa ating lungsod at sa buong bansa,” pasalamat ni Pasig Vice Mayor Dodot Jaworski sa paglunsad ng inisyatibo.

Samantala, ang MMDA naman ay nagsagawa rin ng drainage declogging, sidewalk clearing operations, pagpintura ng pedestrian lanes, at iba pa sa lungsod. Balak naman ni Artes na gawin itong regular na aktibidad.