Dubai-based Pinay vlogger flinex ang sangkatutak na sashes bilang pag-alala sa kanyang karera sa mga beaucon

Inalala ni dating Miss Oriental Mindoro na si Rechel Hoco, isang sikat na vlogger na ngayon sa Dubai, ang kanyang naging mga karanasan sa pagsasali sa iba’t ibang mga beauty contest noong nag-aaral pa siya.

Sa unang tingin, akala mo’y nagtitinda ng iba’t ibang uri ng laso ang Dubai-based Pinay vlogger na si Rechel Hoco pero ang totoo, ito’y mga sash na ipinanalo niya sa siyam na taong pagsabak sa iba’t ibang pageants sa bansa.

Kamakailan ay flinex ni Rechel, ang hinirang na Miss Oriental Mindoro noong 2019, ang daang-daang beauty pageant sashes na kanyang naipon sa isang post sa kanyang social media accounts bilang pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay noong siya’y nag-aaral pa.

Kung ang iba’y maliit na bagay ang pagpapageant, para kay Rechel, ito ang naging lifeline niya noon.

“Sa likod ng mga sashes na ito ay ang alaala ng tamis at pait ng kahapon. Minsan sa sobrang pagiging abala natin tuparin ang ating sari-sariling pangarap, nakakalimutan na nating balikan ang lahat ng ating pinagdaanan kung saan tayo nagsimula,” ani Rechel sa kanyang post.

Kwento pa niya, halos lahat ng pageants ay sinalihan niya—mapa-barangay, lungsod o probinsya, sa siyam na taong pagsabak sa pagbu-beaucon at modeling.

“Nakakatuwang alalahanin ang mga panahon na ‘pageantry’ ang sumalba at bumuhay sa akin noong nag aaral pa ako. Mahirap paniwalaan dahil hindi ito pangkaraniwan pero ito ang totoo,” saad pa niya.

Anya, masarap alalahanin ang kanyang buhay bilang beauty contestant at model dahil dito niya napagtanto na may talino, talent at tapang pala siya. “Ito ang mga dahilan kung bakit ako nag-aapoy sa pagkamit ng pangarap ng pamilya ko na pangarap ko,” ani Rechel.

Ngayon, bukod sa pagiging sikat na content creator bilang “Rechel in Dubai,” isa na rin siyang staff sa isang events at creatives company sa Dubai. Una siyang dumating sa naturang bansa noong Disyembre 2022.

Hindi naging madali sa umpisa ang buhay ni Rechel bilang isang overseas Filipino worker, ngunit dahil sa sipag, tiyaga, at tapang na kanyang naipon sa pagsasabak sa beaucon, umarangkada ang career niya sa Dubai.

“Working with brands, attending events, and being invited to fancy restaurants was something I did not imagine when I was planning to go to the UAE,” sabi ni Rechel sa isang panayam sa The Global Filipino Magazine.