Nauubos agad ang paninda na siopao ng JK and P Eatery sa Bago City, Negros Occidental na nasa limang daang piraso din kada araw. Bukod pa ito sa hiwalay na order kung may mga okasyon. Ito ay gawa ng may-ari ng eatrery na si Manong Reynaldo Eata.
Ayon sa Facebook page ni Putahe Ni Budessa, “siopao na puro laman hindi puro harina” ang siopao ng JK and P Eatery.
Sino ang mag-aakalang ang may-ari nito ay dating dishwasher sa isang sikat na Chinese restaurant sa Binondo? Bilang dishwasher, nakapag-obserba si Mang Reynaldo kung paano ginagawa ang siopao sa kanyang pinagtatrabahuhan hanggang sa natutunan na niya ito.
Iniwan niya ang trabaho niya bilang dishwasher at nagtinda siya at ang kanyang asawa ng sarili nilang gawang siopao sa mga school canteen. Naisip ng mag-asawa na umuwi sa Iloilo at magtayo ng maliit na kainan.
Sinubukan ulit ng mag-asawa ang kanilang kapalaran sa Bago noong 2010. Iniwan ni Mang Reynaldo ang maliit na kainan sa kanyang kapatid sa Iloilo.
Hindi naman sila nabigo at naging super hit sa kanilang lugar ang kanyang siopao pati na rin ang ibang putahe na luto nila tulad ng batchoy ant lumi. Dahil naging mabenta, nakakuha sila ng malaking pwesto kalaunan.
Ayon kay Mang Reynaldo, bestseller nila ang siopao. Maging si First Lady Liza Araneta Marcos ay nagustuhan ito nang binigyan noon ni Bago City Mayor Nicholas Yulo nang bumisita ito sa siyudad.
“Nagustuhan niya siguro…nanamitan siya (nasarapan siya) siguro” nakangiting sabi ni Mang Reynaldo sa panayam ng Digicast Negros na ni-reveal din niya na kakaorder lang din ng Malakanyang ng 130 na piraso ng siopao sa kanila.
Naipasa na rin ni Mang Reyandlo ang “secret ingredients” ng kanyang masarap na siopao as kanyang mga anak. Balak na din kasi nilang mag-expand sa Bacolod City.