Dara, binati ang 2 Blackjacks na naiyak sa tuwa matapos makabili ng tickets para sa 2NE1 reunion concert

Tuwang-tuwa ang mga fans ng 2NE1 matapos makabili ng tickets para sa two-day reunion concert ng kanilang paboritong K-pop group sa Nobyembre.

Dahil tila survival of the fittest ang labanan ng mga fans para makakuha ng tickets, halos maiyak sa tuwa ang dalawang magkaibigang certified “Blackjacks” nang makabili sila ng kanilang tickets para sa pinakainaabangang reunion concert tour ng OG K-pop girl group na 2NE1.

Naka-schedule ang nasabing concert ng iconic K-pop group sa SM Mall of Asia Arena sa Nobyembre 16 at 17.

Tuwang-tuwa sina Nathan Cerbo at Chamcham Desu (pangalan na gamit sa Facebook) nang mahawakan na ang ticket sa concert ng grupo na binubuo nina CL, Dara, Bom at Minzy na magsasama muli para sa kanilang 15th anniversary.

Mas lalo pang natuwa si Nathan nang mapansin ni Dara, na mas kilala sa Pilipinas bilang Sandara Park, ang kanilang viral video na inupload ng fan club na Blackjacks Iloilo.

“We got a congratulations from Dara herself! This is the best birthday gift ever 😭❤️,” ani Nathan sa kanyang Facebook post.

Nawala ang pagod ni Nathan at iba pang kasamang Blackjacks na nagcamping ng halos dalawang araw sa SM Iloilo para lamang makabili ng ticket.

Sa dami ng gustong manood ng concert ng grupo, sold-out agad ang tickets kaya nagpasya ang organizers at ang 2NE1 na magdagdag pa ng isang araw para sa kanilang Manila leg ng kanilang concert tour.

“Sacrifices were made and tears were shed. It was all worth it,” dagdag pa ni Nathan.