Dapat dumami pa sila! Good Samaritans sa NAIA, nagsauli ng US$10k in cash, bag na may laptop, cellphone

Kapos man sa magandang pasilidad, tila hindi naman short ang NAIA sa mabubuting manggagawa na nagsasauli ng mahahalagang gamit ng pasahero. Pinuri ng pamunuan ng airport ang dalawang manggagawa nitong nagpamalas ng kabutihan at malasakit sa mga pasahero nito

Kapos man sa magandang pasilidad, tila hindi naman short ang NAIA sa mabubuting manggagawa na nagsasauli ng mahahalagang gamit ng pasahero. 

Hindi nagdalawang isip si Victor Perez na isauli ang isang bungkos ng perang na kanyang nakita Sabado ng umaga, April 13, habang kinukuha ang mga nagamit na push cart at ibalik sa kinalalagyan nito sa Terminal 1 arrival extension.

Agad na nagtungo si Perez—na nagtatrabaho bilang porter sa NAIA Terminal 1 sa nakalipas na isang dekada—sa lost and found office para i-surrender ang salapi, na nakalagay lang sa isang money binder ng isang bangko.

Nang bilangin ang pera, umabot ang halaga sa US$10,000, o katumbas ng higit Php500,000 sa kasalukuyang exchange rate.

Kinahapunan noong araw, may nagtungong Korean national sa lost and found office upang i-ulat na nawalan siya ng pera habang palabas ng airport. Gamit ang CCTV footage, nagtugma ang kwento ng banyaga sa nangyari kaya isinauli ang pera sa kanya.

Samantala, isang security guard naman ang nagsauli rin ng bag na naiwan sa Terminal 3 habang nagpapatrolya noong Linggo, Abril 14. Dinala ni security guard Albert Bautista ang bag sa lost and found office, kung saan nagsagawa ng inventory ng laman. Nakita sa bag ang isang laptop, smartphone, at gold necklace.

Binalikan ng may-ari ng bag ang kanyang gamit noong Martes, April 16.

Sa isang pahayag, pinuri ni MIAA general manager Eric Jose Ines ang kabutihang loob nina Perez at Bautista, at hinikayat ang mga empleyado na tularan ang mabuting asal ng mga good Samaritan.

“Hats off to Messrs Victor Perez and Albert Bautista for their honesty. Both should be emulated by everyone in NAIA. Let the culture of honesty thrive in the midst of endless temptations around us,” ani Ines sa isang press statement.

Ayon pa sa opisyal, paparangalan sina Perez at Bautista at gagawaran ng pagkilala sa susunod na buwan.