Cynthia Erivo approved! Quark Henares may throwback video sa pagkikita ni Dennis Trillo at ng Oscar nominee

Naglapag si Direk Quark Henares ng isang throwback video ni Oscar nominee Cynthia Erivo na hangang hanga sa pagganap ni Dennis Trillo sa “On The Job: The Missing 8.”

Dahil Oscars season ay biglang naalala ng director na si Quark Henares ang isang video niya kung saan nagkita ang Kapuso star na si Dennis Trillo at ang Oscar Best Actress nominee sa si Cynthia Erivo sa isang event.

Ang naturang video ni Direk Quark ay mula sa Venice Film Festival noong 2021 kung saan kalahok ang “On The Job: The Missing 8” sa kumpetisyon. Kabilang si Dennis sa mga Best Actor nominees ngunit si John Arcilla na kasama din sa parehong pelikula ang nag-uwi ng Volpi Cup para sa kanyang pagganap.

Sa video, panay ang puri ni Cynthia Erivo sa pagganap ni Dennis sa pelikula. Lumapit din ang isa pang foreign filmmaker sa “Green Bones” actor at maging si “Parasite” director Bong Joon Ho ay nag-thumbs up din sa background.

Ang video ay nakunan bago nai-cast si Erivo sa blockbuster musical na “Wicked” na nagdala sa kanya ng nominasyon sa Academy Awards.