Cycle of Love and Giving: Ang misyon ni Teacher Raymond Dela Cruz sa SMNHS Bulacan

Ayaw ni Teacher Raymond na huminto ang kanyang mga estudyante sa pag-aaral kaya ito ay ginawan niya ng paraan sa pamamagitan ng pagbuo ng SMNHS Cycle of Love and Giving.

Relate much. Bilang isang guro na mahigit dalawampung taon ng nagtuturo, ramdam ni Teacher Raymond Dela Cruz ng San Miguel National High School (SMNHS) sa Bulacan na ang iba niyang estudyante ay napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kahirapan.

Hindi ito nalalayo sa naranasan niya noon. Tumigil sa pag-aaral si Teacher Raymond matapos niyang makapagtapos ng hayskul dahil kapos sila sa pera. Siya ay naging isang tricycle driver pati na rin construction worker.

Determinadong makapag kolehiyo, pinagsabay ni Teacher Raymond ang pag-aaral hanggang siya ay makapagtapos ng kolehiyo.

Upang makatulong din sa mga estudyante na kagaya niya noon, bumuo si Teacher Raymond ng SMNHS Cycle of Love and Giving na naglalayon na makatulong sa mga mahihirap na estudyante upang makapagpatuloy sa pag-aaral at mabago ang kanilang buhay.

“Naniniwala ako sa good karma, sa bad karma and then narealize ko na marami palang katulad ko. Katulad ko na hindi naman mayaman pero gustong makatulong,” ang sabi ni Teacher Raymond sa kanyang panayam sa Rated Korina.

Si Gideon Cabilleda ang siyang unang natulungan ng Cycle of Love and Giving noong 2018. Siya ay isang working student. Isa ring natulungan ay ang balut vendor na si Lealyn Cantuba Mabuti na tumigil sa pag-aaral noong pandemya dahil walang cellphone na gagamitin.

“Nakita niya po akong nagtitinda ng balut. Tinanong niya po ako kung ano po ang kailangan nung online class po. Naghanap po siya ng sponsor po para sa cellphone at load po,” sabi ni Lealyn.

Nilinaw naman ni Teacher Raymond na ang kaniyang ginagawa ay isang “intervention” lamang upang makatulong sa mga bata gaya ng pagbigay ng allowance, groceries, sapatos, uniforms, at iba pa.

Para mawala ang pagdududa sa mga natatanggap na donasyon ni Teacher Raymond, ito daw ay “well accounted for” at nakapost sa Facebook page ng SMNHS Cycle of Love and Giving.