“Yung marami ka nang alagang hayop pero nagdagdag ka pa—nagdagdag ng pantagal ng stress.”
Yan si Kristine Chysser, matapos niyang irescue ang asong umiiyak sa isang kainan sa Mandaluyong na nagviral noon sa TikTok.
“Iba ang saya na naidudulot ng pag aalaga ng mga hayop. Nakakatagal ng stress,” saad pa niya.
Bago pa man ampunin ni Kristine ang nagviral na aso na pinangalanan niyang “Doggo” ay mayroon na siyang siyam na alagang mga stray na aso at siyam na pusa din.
Mula Mandaluyong, si Doggo ay napadpad na sa Cubao ayun sa post ng isang concerned citizen na nakita naman ni Kristine.
“Malambot ang puso ko sa mga ganun talaga …may pitik sa akin talaga na ‘sige kunin mo’ kahit all the way from Cubao byinahe namin ng anak ko para mahanap siya,” ani Kristine sa isang panayam ng The Philippine Star.
Buwan ng Hulyo nahanap ni Kristine si Doggo, pero hindi ito naging madali at may pagka-agresibo ang aso.
Kinailangan pa niyang tumawag sa Strays Worth Saving para makuha ang aso na naiuwi din naman nila matapos ang ilang oras. Ilang buwan na paglambing sa aso, sabi ni Kristine, ay nakuha din nila ang loob nito.
Pangako naman niya na bibigyan ng komportableng buhay si Doggo at ibang pang hayop na alaga nila sa bahay.
Hinangaan naman si Kristine ng mga netizens sa kanyang kabutihang loob para sa mga hayop.
“Saludo po ako sa inyo!” komento ng isa.
“Very good po ma’am,” sabi naman ng isang netizen.
“Nakakatuwa po na.may kagaya nyo po ma’am. God bless po,” dagdag pa ng isa.