Patunay ang mag-asawang si Khrista at Nicholas Racelis na ang mga pangarap, kahit naantala paminsan, ay nakakamit din basta may tiyaga.
Pareho mang hindi nakapag-medical school agad dahil sa kakulangan sa pera, nakamit na rin nila ang kanilang minimithi na degree nitong July 21. Nagbunga din ang lahat ng hirap nila dahil si Khrista ay nagtapos bilang valedictorian at Top 3 naman si Nicholas.
Walong taon bago nakapasok sa med school si Khrista at siyam na taon naman ang inantay ni Nicholas.
Nang mga panahon na iyon, pareho silang nagtrabaho muna bilang mga nars sa Department of Health (DOH). Kalaunan, nagresign silang dalawa at nagpakasal, isang buwan bago mag umpisa ang academic year. Pareho silang scholars ng DOH.
“Isa siyang leap of faith kasi iniwan namin ‘yung trabaho namin na may mataas-taas na sweldo. As in zero, wala kaming trabaho noong pumasok kami sa med school,” ani Khrista sa panayam sa ABS-CBN News.
Hindi rin naging madali kay Khrista ang lahat dahil dalawang buwan matapos ikasal, nabuntis siya at nanganak isang araw bago ang kanyang defense para sa title proposal.
“Kakaanak mo lang tapos balik ka na agad sa pag-aaral,” sabi pa niya, bukod pa diumano ito sa naramdamang self-pity dahil sa pressure ng kanyang breastfeeding journey.
Kaya laking gulat ni Khrista na sa dami ng kanyang mga pinagdaanan, grumadweyt siya bilang cum laude at class valedictorian.
“Hindi ko talaga in-expect kasi unang-una ay kung ikukumpara ko ‘yung sarili ko sa mga kaklase ko, mas bata sila… Pero siguro ang naging kaibahan lang, since mayroon na akong family, mas naging inspired ako at mas gusto kong ipagpatuloy ‘yung nasimulan kong pag-aaral sa med,” aniya.