Hindi man nakasungkit ng medalya sa 2024 Paris Olympic Games’ boxing event si Hergie Bacyadan, pang champion pa rin ang hero’s welcome na ibinigay sa kanya ng lokal na pamahalaan ng Kalinga kamakailan.
Sa pag-uwi ni Hergie sa kanyang bayan noong Setyembre 9, proud siyang sinalubong ng kanyang mga kababayan na YKalinga upang ipagdiwang siya bilang kauna-unahang atleta na taga Kalinga na nakarating ng Olympics.
Sa isang programa matapos ang motorcade, pinangaralan ng probinsya si Hergie at ibinigay ni Gov. James Edduba ang Php 500,000 bilang incentive dahil sa kanyang dedikasyon sa larangan ng sports.
Ibinahagi naman ni Hergie kung paano niya naabot ang tagumpay at binalikan rin ang mga panahon na nagsusumikap pa siya para marating kung nasaan man siya ngayon matapos itong lumahok sa women’s 75 kg (middleweight) boxing division sa Paris, France.
Sa Facebook post ng Province of Kalinga, masaya si Gov. Edduba sa inspirasyon na hatid Hergie sa mga taga Kalinga lalo sa mga kabataan na gusto ring sumabak sa palakasan na gusto nila.
“You have seen how they love you. You have seen how they are very proud of you. You have seen how they want to be like you,” dagdag ng opisyal.