Car-free Sundays! Roxas Boulevard, free-for-all fitness zone na tuwing Linggo ng umaga

Nais ng pamahalaang panglungsod na maging aktibo sa pag-eehersisyo ang mga residente nito, at isang paraan nito ang pagsara ng Roxas Boulevard para magamit ng mga bikers at runners.

Nakatakdang isara ang isang bahagi ng Roxas Boulevard tuwing Linggo ng umaga simula ngayong buwan ng Mayo, ayon sa pamahalaang panlungsod ng Maynila.

Pipirmahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Ordinance No. 9047, kung saan ipapatupad ang “Move Manila-Car Free Sundays” sa kahabaan ng Roxas Boulevard mula Padre Burgos hanggang Quirino mula 5:00 hanggang 9:00 AM tuwing Linggo. Opisyal na ilulunsad ito sa May 26.

“Siyempre bilang isang doktora una nating priority ay ang kalusugan ng ating mga kapwa Manileños at siyempre mga kababayan nating Pilipino. So minabuti natin na ibalik ang kinaugalian dito sa Roxas Boulevard na weekly po isasarado ang north and southbound ng Roxas Boulevard para magamit ng ating kababayan para sa kanilang pag-e-ehersisyo,” ani Mayor Lacuna sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Layunin rin ng ordinansa na makatulong bawasan ang polusyon sa karatig lugar, ayon sa opisyal.

“‘Yung ating Move Manila program kasama po dito yung motor vehicle and pollution free na gusto sana natin matupad dito sa lungsod ng Maynila kahit how many hours lang lalong-lalo na dito sa Roxas Boulevard na alam naman natin isa sa main roads na dinadaanan,” paliwanag ng mayor.

Giit ni Lacuna na magagamit pa rin naman ang mga service road ng Roxas Boulevard, at maging ang Mabini.

“Tapos yung mas malalaking sasakyan ay padadaanin natin sa Taft Avenue. Every Sunday 5:00 to 9:00 AM papayagan natin ang malalaking sasakyan sa Taft Avenue,” aniya.