Cancer survivor, topnotcher sa Electronics Engineers Licensure Examination

Isang 24-anyos na cancer survivor ang nag Top 8 sa April 2024 Electronics Engineers Licensure Exam.

Hinahangaan ng marami ang 24-anyos na si Byron John Gillana dahil naging topnotcher siya sa April 2024 Electronics Engineering Licensure Examination, sa kabila ng kanyang pakikipaglaban sa sakit na cancer.

Kinaya ni Byron na pagsabayin ang kanyang treatment para sa Non-Hodgkin’s Lymphoma noong 2022 at ang kanyang pag-aaral. Nagtapos pa ito bilang cum laude sa University of San Carlos sa Cebu City at Top 8 naman sa board exam na may average rate na 87.50%.

Ani Byron, hindi naging madali ang chemotherapy at radiation treatments na pinagdaanan niya, pero nagpakita siya ng nakakabilib na lakas sa harap ng kahirapan.

Sabi niya, sa mga oras na hirap na hirap siya sa kanyang sakit, pinili niyang maging focused sa kanyang pangarap at hindi hinayaan na sirain ito ng kanser.

“Overcoming cancer shifted my perspective on life and taught me to trust in His [God] plan because if you work hard and believe it enough, prosperity is a matter of when,” aniya, sa ulat ng SunStar Cebu.

Ang payo naman niya sa mga may mga pinagdadaanan ngayon: “Be consistent. Never let the brain rust even for one day or it will lose its momentum. It may be good to get some rest days but it’s good to keep your brain active even then. As they say, consistency is key.”

Sa tulong na din ng kanyang mga mahal sa buhay, kasama na rin ang suporta ng mga kaklase at mga guro, nagkaroon rin siya ng positibong pananaw at lakas ng loob.

Dalawang taon nang cancer-free si Byron pero patuloy pa rin siya sa kanyang regular check-up, ayon naman sa isang post ng DepEd Tambayan.