Buwaya catcher no more! Ang kwento ng pagbabagong-buhay ni Bapa Babay bilang champion ng wildlife conservation

May bagong responsibilidad na sa kanyang komunidad ang dating crocodile catcher na si Mamangkas Mangatong ng Kabacan, Cotabato.

Matapos matutunan ang kahalagahan ng mga buwaya sa Ligawasan Marsh ecosystem, iniwan na ng 72-anyos na si Mamangkas Mangatong ng Kabacan, Cotabato ang pagiging crocodile catcher para gampanan ang kanyang papel bilang isang conservationist.

Dahil na rin sa kanyang husay ng paghuli ng mga kinatatakutang buwaya sa kanilang lugar sa Barangay Cuyapon, itinuturing din na bayani si Mangatong, na kilala rin sa tawag na “Bapa Babay,” ng kanyang komunidad.

Ngunit nagbago ang kanyang pananaw sa paghuhuli ng mga buwaya dahil sa mga local government-led educational campaigns na isinasagawa sa kanilang barangay sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources.

Noong 2020, itinalaga si Mangatong bilang Wildlife Enforcement Officer (WEO) sa ilalim ng DENR- Community Environment and Natural Resources Office sa Midsayap.

Advantage din na maituturing ang pagiging mangingisda niya dati dahil mas naiintindihan niya ang maselan na “balanced life” sa marshlands, na kung saan makikita ang critically endangered Philippine Crocodile (Crocodylus mindorensis).

“His story serves as a rallying cry for communities to unite in safeguarding the natural treasures that sustain life and livelihoods,” ayon sa DENR-Soccksargen.

Dagdag pa nito, nagkaroon din ng “groundbreaking documentation” sa dalawang natatanging species ng buwaya na magkasamang nabubuhay sa isang lokasyon dahil sa dalawang buwayang nahuli ni Mangatong: ang Philippine crocodile o freshwater crocodile at ang Indo-Pacific crocodile o saltwater crocodile.