Sinong mag-aakalang ang amag na kadalasang iniiwasan sa mga pagkain ay pwede nang maging burger patty?
Dahil sa pagtaas ng demand para sa vegan food at ang pagiging mas conscious sa kalusugan at kapaligiran, binigyang focus ng mga siyentipiko mula sa iba’t ibang institusyon ang koji mold (Aspergillus oryzae) upang lumikha ng masustansya at meat-free na alternatibo sa pagkain.
Hindi naman bago sa mundo ng kusina ang koji mold dahil ito ay ginagamit upang mag-ferment ng iba’t ibang lutuin mula sa East Asia tulad ng toyo, miso at sake.
Ngunit upang maging angkop at masarap na patty ang fungi na ito, kinailangan ng mga siyentipiko na baguhin ito gamit ang gene editing technology na CRISPR-Cas9, ayon sa pag-aaral na lumabas kamakailan sa journal na Nature Communications.
“What we’re trying to do is to look at what is the fungus making and try to kind of unlock and enhance it,” ani Vayu Hill-Maini, dating chef at bioengineer na ngayon na siya rin ang may-akda ng nasabing pag-aaral, sa isang pahayag.
“And I think that’s an important angle that we don’t need to introduce genes from wildly different species. We’re investigating how we can stitch things together and unlock what’s already there,” dagdag pa niya.

Burger patty na gawa mula sa amag
(CREDIT: Nature Communications)
Kasama ni Hill-Maini, isang postdoctoral researcher sa University of California, Berkeley, ang iba pang mga eksperto mula sa Novo Nordisk Foundation Center for Biosustainability at ng Joint BioEnergy Institute sa pag-aaral na ito.
Gayunpaman, pinag-iisipan pa rin ng mga dalubhasa ang pagbabago ng texture ng burger patty na ito mula sa amag para mas maging kapani-paniwala at mas swak sa panlasa ng mga mamimili.
“I’m really excited about how can we further look at the fungus and tinker with its structure and metabolism for food,” sabi pa ni Hill-Maini sa ulat ng New York Post.