Malaki ang papel ng sports sa paghubog ng disiplina sa mga kabataan. Kaya naman ang British philanthropist at founder ng non-government organization na FundLife na si Marko Kasic ay inilunsad ang Move Luzon “Run with Purpose” project.
Layon ng proyektong ito na makalikom ng pondo para mabigyan ng oportunidad ang mga kabataang Pinoy na mahasa o matuklasan ang kanilang potensyal sa sports. Itinatag ang FundLife noong 2014 para makatulong sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Tacloban City.
Natapos ni Kasic kamakailan ang 600-km running challenge sa buong Luzon. Tinatakbo niya ang 42-km kada araw mula Pagudpud papuntang Maynila.
Lalong ginanahan si Kasic sa kanyang adbokasiya matapos manalo ni Carlos Yulo ng dalawang gold medals sa 2024 Paris Olympics.
Pinahahalagahan din ng FundLife ang sports para maprotektahan, matuto, at mapalakas ang mga kabataan para magpursige sa buhay.
“If they excel at running or any sport, it could provide them with an athletic scholarship to finish high school and enter college. Running can be an attainable pathway from poverty to educational and economic prosperity,” ani Kasic sa ulat ng BusinessMirror.
Balak rin ni Kasic na mabigyan ng access sa mga running clinics ang nasa 5,000 kabataan at maturuan din ang mga guro ng mga basic tungkol sa pagtakbo at maibahagi nila ito sa kanilang klase.