Bohol, kinabog sa ganda ang mga turistang sakay ng ‘Ship of the Year’ na mula sa Europa

Ang CMV Vasco de Gama international cruise ship na tinaguriang “Ship of the Year” noong 2023 ay masayang tinanggap sa Bohol.

Malugod na tinanggap sa Bohol ang nasa 1,500 na bisita at 588 crew members ng isang luxury cruise line, na tinawag na “Ship of the Year” noong 2023.

Hinandugan ng tradisyonal na Filipino cultural festival ang mga pasahero ng CMV Vasco de Gama, na pagmamay-ari ng German cruise line na Nicko Cruises noong January 10, pagdaong nila sa Tagbilaran City seaport. Ito ay handog ng Bobol Provincial Tourism Office ng Department of Tourism. Kasama rin ang Bohol Provincial Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na sumalubong sa kanila.

Sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, pinaniniwalaan na ang pagdating ng nasabing cruise ship ay hudyat ng masiglang industriya ng turismo ng Bohol, ayon sa mga lokal na opisyal.

Ang mga turista, karaniwan ay mga German, ay bumisita sa Chocolate Hills, historic churches, at Loboc River. Umalis din sila ng alas kwatro ng hapon ng parehong araw.

Kabilang sa kanilang 22-day Asia Cruise ay ang pagbisita hindi lamang sa Bohol kundi sa Manila, Coron at Puerto Princesa sa Palawan.

Mula Bohol ito naman ay tutungo sa Indonesia at Australia.

Tags: Bohol, International cruise ship, CMV Vasco de Gama, German tourists, Chocolate Hills, tourism, travel goals