Board passer, tinupad ang pangarap ng amang bus driver na magkaroon ng licensed engineer na anak

Hindi binigo ng isang anak ang kanyang ama matapos nitong ipasa ang April 2024 Civil Engineering Licensure Exam.

Nang mapasa ni Joel Robin Cachero ang April 2024 Civil Engineers Licensure Exam, hindi lang pangarap niya ang natupad, kundi pangarap din ng kanyang ama.

“Bata pa lang ako gusto ko na maging engineer. Masaya lang ako dahil ang gusto ko, gusto rin ng papa ko,” ayon kay Joel na taga Paoay, Ilocos Norte.

“Gustong-gusto po kasi ni papa na magka-anak ng engineer kaya nang lumabas ang results, iyak ako ng iyak kasi nasa byahe pa siya mula Manila at kinaumagahan lang kami nagkita,” sabi ni Joel sa panayam sa kanya ng Ilocos News Online.

Dahil isang bus driver ang ama, hindi niya muna ito tinawagan o tinext nang malaman niya na pumasa siya sa licensure exam. Ang kanya namang ina ay nasa Ilocos Sur noong panahon na iyon kaya sa pamamagitan ng video call na lamang niya ito binalitaan.

Inabangan naman ni Joel sa labas ng kanilang bahay ang kanyang ama na pauwi na para sorpresahin ito.

“Pa, engineer na ako!…” ang salubong niya sa kanyang ama na mahigpit naman siyang niyakap at parang bata na binuhat pa.

Sa likod ng kasiyahan, hinding-hindi makalimutan ni Joel na muntik na siyang sumuko lalo na noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic dahil walang biyahe ang kanyang ama.

Pero ang magulang daw niya ang nag-push pa sa kanya na ituloy ang pag-aaral.

“Sabi nila, ‘anak kahit gaano kahirap ang buhay gagawin namin ang lahat makapagtapos ka lang’, ” pagbabalik-tanaw ni Joel. Iyon daw ang ginawa niyang motivation na i-pursue ang gusto niyang career.

Payo naman ni Joel sa mga kabataan na nag-aaral pa na mag-focus lang sa goal at palaging manalangin.

“Mahirap ang review dadating at dadating sa point na mape-pressure. Basta, magtiwala lang sa sarili kung kaya ko, kaya niyo rin!” ani Joel.