Blooms everywhere! BINI mall show, dinagsa ng fans sa isang Taguig mall

Full force ang “Blooms” para sa BINI matapos sumipot sa mall show ng pinakamainit na Pinoy girl group ngayong taon. Umabot ang Blooms sa higit 8,000, isang record para sa mall at maging sa girl group na rin.

Dinagsa ng mga “Blooms” ang mall show BINI Linggo ng gabi, April 14, patunay sa lumalaking suporta na nakukuha ng pinakabago at pinakamainit na girl group ng P-pop genre.

Hindi nagpatinag ang mga Blooms sa init ng sikat ng araw nang magsimulang mag-camp out sa Market! Market! Mall sa Bonifacio Global City ng tanghaling tapat. Sa pagtaya ng mall security, umabot sa higit 5,000 fans ang namataan sa mall ng 5:00 p.m. nang dumating ang BINI sa venue.

Sinabayan ng Blooms ang masaya at catchy na tinig ng BINI sa higit na isang oras na mall show, na nagsilbing patikim pa lang sa mga fans para sa nalalapit na concert ng girl group sa June.

Matatandaang nagdagdag pa ng dalawang show dates ang Star Music PH, label ng BINI, matapos ma-sold out sa loob lamang ng dalawang oras ang unang show na nakatakda sana sa June 28.

Pagkatapos ng mall show, pumalo sa higit na 8,000 Blooms ang dumalo, at naging isang record para sa mall at sa BINI.

“Last mall show natin was [for the] ‘Feel Good’ album. Ang difference noon is, doon maraming Blooms, pero dumadaan sa gilid. Nanonood lang, dumadaan lang, literal,” sinabi ni BINI leader Jhoanna Robles sa isang ulat ng ABS-CBN News. “Pero eto, punong-puno, parang butas ng karayom.”

“Sobrang overwhelming,” dagdag pa niya. “Kahit every day siya nangyayari, pero parang hindi pa rin namin natatanggap. Para pa rin kaming nasa ulap, sa totoo lang.”

“Speechless talaga. Ako, BINI member na ako, pero nakatulala ako kanina,” sinabi naman ni Stacey Sevilleja. “Kasi, totoo ba ‘tong mga ‘to? O aswang lang sila? Sobrang OA talaga. Hindi po namin alam paano nag-multiply ‘yung Blooms namin, pero we are very, very grateful.”

Nagulat rin si Mikha Lim sa turnout ng Blooms: “I can’t help but feel grateful and overwhelmed. Because we waited for this moment, and targeted this goal of ours, maybe to reach international, and now that we are here, we’re on our steps going there.”